Saturday, August 04, 2007

pagsisisi

Ba't kaya laging nasa huli ang pagsisisi?

Nakausap ko ang guro namin sa Espanyol iilang araw pa lang ang nakakalipas. Wala akong ibang tunguhin kundi tanungin siya tungkol sa mga marka ko. Sabi ko sa kanya, gamit ang boses na may kaunting nginig at pangamba, "Sir, may I know what my tentative average is, as of now?"

"Oh, I don't have your averages yet, but from what I see now, you're doing fine, Jose. I could say your grade's between a high A and a low B. It's because you have a couple of quizzes with extremely low scores. Just do your best on the last two chapters. Your marks in the following quizzes will make the difference."


Yun ay bago ko dinanas ang hirap ng apat na pagsusulit, tatlong "maikli" at isang pang-kabanata -- lahat sa isang araw -- nitong nakaraang Lunes. Nabanggit ko na ba na muntik na akong mahimatay sa hirap ng mga tanong? Nagtataka pa rin ako hanggang ngayon ba't kailangan ng guro kong magsinungaling sa pagngangalan ng mga exam -- dalawa dun sa short quiz, lampas ng sandaan ang bilang ng tanong, na kailangan namin matapos sa tagal ng isa't kalahating oras. "Sino ba naman ang hindi mauulol ng ganon? O baka ako lang yun," sa isip-isip ko.

Sa sumunod na araw, nagkatotoo nga ang kinatatakutan ko. Mga marka? 58, 69, 73 sa "short" quizzes. medyo mataas naman ang nakuha ko sa huling examen; pinapadali talaga niya iyon, kadalasan may pagpipilian yung mga tanong, di kagaya ng mga quizzes, na ang karamihan ay kailangang sumagot kami ng buong mga pangungusap. Kaya 50-50 ako ngayon -- nakasalalay ang kapalaran ng final grade ko sa resulta ng mga examen ng huling kabanata na itatalakay namin.

Inaamin ko, kasalanan kong lahat kung bakit nagkaganito ako sa Espanyol. Kung binasa ko sana yung aklat ng mas maigi, kung nagsulat ako ng mas matinong notes, kung inulit-ulit ko yung mga bidyo kung pano isalin sa nakaraang kapanahunan ang mga pandiwang Espanyol, kung nagpaturo ako sa mga kaibigan kong Hispaniko, sana... Sana.

Kaya kaninang umaga yung hitsura ng mukha ko ay tila namatayan ako ng kapamilya. Mahaba ang nguso, nakakunot ang mga kilay, nakayukod na balikat -- bad trip, ika nga. Sa inis ko ay muntik ko na ngang murahin yung kaharap ko sa salamin dahil sa sobrang katangahan ko niya.

Hayun ako, nakahilata sa cubicle sa aklatan ng UTPA, habang inaantay ko matapos yung klase ng kapatid ko. Dahil wala akong magawa, at dahil wala na akong ibang maisip na tunguhan para mabigyan ng kahit kaunting ginhawa ang kaluluwa ko, inabot ko yung luma ngunit mapagkakatiwalaang Bibliya ko (sa tita ko siya, sa tutuusin, pero hindi na niya ginagamit, kaya akin na siya. Diba, tita? Hehe). Medyo nagaalanganin ako, kasi bahaging inaasahan ko na ang tanging payo na maibibigay ng Diyos sa akin ay, "Yan ang napala mo, magdusa ka!"

Ngunit hindi yun, sa laking gulat at tuwa ko, ang narinig kong binulong ng boses Niya. Pasalamat sa Kanyang pagtitiis sa akin kahit sa matinding pagkukulang ng tiwala ko sa Kanya, ay tinuro sa akin ng Espiritu ang mga susunod na taludtod:

Romano 8:28 -- Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.

Genesis 50:20 -- Binanta niyong saktan ako, pero binalak ito ng Diyos para sa kabutihan ng marami, ang pagligtas ng maraming buhay na isinasagawa na ngayon.

Mateo 6:8 -- Alam ng Ama niyo ang mga kailangan niyo, bago pa man hingin niyo sa Kanya ang mga ito.

Una, natutunan ko galing sa mga bersong ito na hindi nasa labas ng kapangyarihan ng Diyos na ipigil ang katamaran ko. Kung nabago niya ang puso ni Pablo, isang kriminal na nagpatapon at nagpapatay ng mga Kristiyano, at ng ipinakong magnanakaw, ay mababago niya din ako.

Pangalawa, alam (at hindi lang iyon! itinakda Niya rin, sa tingin ko) ng Diyos ang lahat ng mga pangyayaring magaganap sa buong buhay ko, at sigurado akong kasama dito ang mga bagsak na markang nakuho ka sa Espanyol.

Pero bakit, ang tanong niyo, Niya hinayaan akong maging tamad sa klase kong ito? Sa tingin ko, isa lang ito sa libu-libong liksiyon (na kahit mahirap) na kailangan kong matutunan upang maging mas tulad ang pagkatao ko sa Kanya. Siguro, gusto Niyang matutunan ko ang halaga ng tamang pagpaplano ng oras at walang tigil na kasipagan. O siguro, gusto Niyang matutunan kong talikuran ang sarili kong kakayahan at kahusayan at magtiwalang buong-puso sa Kanya. Maaaring mas mainam para sa kalinangan ng kaluluwa ko ang matuto ng mga aral na ito, kaysa makuha ang isang A sa aking transcript.

Pangatlo, gaya ng sinabi sa Romano 8:28, "lahat ng mga bagay" -- kabilang ang dinanas ko nung dumaang Lunes -- ay "gumagawa para sa kabutihan" ng sinumang tumiwala sa Kanya. Ang pilit na pagbibili kay Jose (hindi ako, yung Jose na anak ni Jacob. hehe) ay tumungo sa kaligtasan ng mga kapamilya niya sa mga araw nga tag-gutom. At dahil sa paghihirap ni Jose sa ilalim ng kanyang amo, ay nabuo ang bansang Israel, na kung saan nanggaling ang ating Panginoong si Jesus.

Kaya purihin ang Diyos dahil sa Kanyang kapangyarihan at kaalaman! Purihin Siya dahil sa Kanyang kabanalan at katarungan! At higit sa lahat, purihin siya dahil sa Kanyang pagmamahal, awa at pagtitiis sa ating mga makakasalanan.

4 comments:

Lance said...

nagpapasalamat ako na sa mga pagkakataong parang tama ang pagrereklamo ay naiisip mo na ang Diyos ang kumokontrol sa lahat ng aspeto ng buhay natin: kahit sa mga mahihirap na pagsusulit sa Espanyol.

Unknown said...

Para bang nagbasa ako ng isinulat nuong 1800s-early1900s hahahaha! ... subukin ko na rin kaya magsulat sa Tagalog... Hahaha!

Lance said...

Wala talaga kayong originality! HAHAHAH. Sige, Paul, subukan mo, para fun!

Jac Libatique said...

:) jef, maligayang kaarawan.

mahaba-habang tala ito na naisulat sa ating wika. kakaibang magsabi ng saloobin sa wikang filipino, ngunit walang anuman. masayang basahin ang filipino.

jac